Saturday, April 26, 2014

Sa Likod ng Mga Kamera

"Hello, Philippines and hello, World!"

  Marinig mo lamang ang mga katagang ito, alam mo na kung anong palabas ang nasa telebisyon. Gabi-gabing tinututukan, gabi-gabing inaabangan. Pag sapit ng alas diyes, inililipat na ng maraming Pinoy ang mga istasyon. Di bale na ang mahahabang komersyal. Di na rin alintanang gabing-gabi na. Isasakripisyo ang tulog (at umaabot na rin minsan sa puntong pera na ang ibibigay), masubaybayan at masuportahan lamang ang pinakapaboritong housemate sa loob ng bahay ni Kuya.

Kahit hindi man buo, hugis pa lamang at kulay, alam na ng karamihan kung alin ang pinapatungkulan nito.
    Taong 2005 nang unang inilunsad ng ABS-CBN ang Pilipinong bersyon ng sikat na reality show na kanilang pinamagatang Pinoy Big Brother (PBB). Tulad ng mga dayuhang kapilas nito, labindalawang (kung minsan pa nga'y higit pa) Pinoy mula sa iba't-ibang uri ng pamumuhay ang mamumuhay nang sabay-sabay sa loob ng iisaang bahay sa loob ng sandaang araw. Nasusubaybayan pa rin ng buong bansa ang mga pangyayari sa loob ng bahay dahil walang-tigil sa pagrorolyo ang mga kamera. Bukod pa riyan, bawat sulok, may kamera. Walang-kawala ang mga housemates sa mga mata ng mundo.

Isa ito sa mga pinakasikat na bahay sa Pilipinas. Bawat season, nag-iiba ang  disensyong panloob nito.
Makikita ang itsura ng bahay noong 2010 sa  link na ito. 
    Hindi lamang isang palabas ang Pinoy Big Brother. Maituturing din itong isang paligsahan. Isa-isang natatanggal ang mga housemates bawat linggo. Ang nominadong nakalikom ng pinakamaliit na porsiyento ng mga boto ang siyang maaalis. Ipagpapatuloy ito hanggang apat na lamang ang natitira. Sa apat na iyon, ang housemate na nakalikom ng pinakamaraming boto mula sa mga manonood ang ituturing na Big Winner at siyang mag-uuwi ng isang milyong piso, isang yunit mula sa napakamahal na condiminium at iba pang premyo mula sa mga isponsor ng palabas.

   Ilang seasons na rin ang Pinoy Big Brother. Hindi na mabilang ang mga personalidad na nanirahan o kahit napadaan man lang sa bahay ni Kuya. Ilang pagbabago na ang pinagdaanan ng palabas pati na rin ng bahay. Walong taon na rin ang nakalipas mula sa paglunsad nito sa bansa pero bakit, bakit hanggang ngayon pamilyar pa rin tayo sa PBB? Bakit nga ba pumatok ang palabas na ito sa masa? Ano ba ang meron sa PBB na tila wala ang iba

Ano ang isinisiwalat ng palabas na ito tungkol sa lipunan nang panahon ng kanyang katanyagan?

  Tampok ng palabas ang premyong nakalaan para sa Big Winner. Sino ba naman ang hindi masisilaw sa kinang ng isang milyong piso? Isa lang daw ang kailangang gawin: ang magpakatotoo.  Marami ang naengayong sumali. Iyon lang pala ang kailangan? Hindi ba't napakadaling paraan iyon upang makamtan ang pangarap na yumaman? Hindi lang yan, kapag may hitsura ka at bentang-benta ka sa masa, tiyak na may trabahong naghihintay sa iyo sa labas ng bahay. Naging talent search din kumbaga ang palabas. 


  Sanay ang ating kultura sa mga tatak. Hindi natin namamalayan na nadadala na rin natin ito sa paghuhusga sa karakter ng ating kapwa. Ang mga tatak na ito ang siyang nagiging pagkatao kumbaga ng isang nilalang. Dito na rin natin ibinabatay ang ating mga hula kung ano ang maari niyang gawin. 

"Tisoy? Ay! Puwede nang maging artista." | "Hmm. Mukhang bad boy. Pasaway ito, for sure."
 
"Ah. Ito ang malandi sa batch na ito. Makikita mo. Daming lalaki nyan."

"Ito talaga kiti-kiti raw. Magdadala ito ng ingay at gulo sa bahay."

"Engineer! Ooohhh. Matalino ito." 

Dahil na rin sa mga tatak na itinakda ng palabas sa kanilang housemates, mas naitataguyod ang ganitong pag-unawa. Kahit minsan corny na pakinggan, ipinagpapatuloy pa rin ito ng PBB. 

  Likas na rin sa ating mga Pinoy ang pagiging mausisa. Litaw na litaw ang ugaling ito tuwing nagkikita't nagkakakumustahan. Isang abenida ang PBB kung saan mas nakikilala ng masa ang piling housemates ni Kuya. Tila naging bahagi na rin sila sa pang-araw-araw na usap-usapan. Ang mga lambingan at tuksuhan pati na rin ang mga tampuha't bangayan ang mga paksa ng maghpaong kuwentuhan at diskurso. May mga online threads na nakalaan lamang para sa mga ito. 

  Marami rin ang nanonood dahil may mga kaugaliang Pinoy din itong ipinapamalas. Inilunsad ni G. Mark Lester Chico, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas- Los Baños sa panahon ng kanyang pananaliksik ,  ang isang pag-aaral tungkol dito. Ayon din sa kanyang pananaliksik, naipapamalas ng palabas ang ilang katangiang Pinoy, positibo man ito o negatibo. Ipinapakita raw sa palabas ang konsepto ng lambing, sikap at tiyaga (sa pagharap sa mga pagsubok ni Kuya), paggalang (sa pagbati kay Kuya), katatawanan, isang salita (ang paninindigan ng mga housemates na kaya nila ang pagsubok ni Kuya), inggit at marami pang iba. Itinala ni G. Chico ang 27 katangiang ito sa kanyang papel.

  Sinasabing "teleserye ito ng totoong buhay" pero pag-isipan mo. Hindi ba't pili lamang ang ipinapakita pa rin sa telebisyon? Hindi ba't naayon din ang kanilang mga kilos sa mga ipinapagawa ni Kuya? Isa pa, madalas na nananalo sa palabas na ito ang mga housemates na may sari-sariling sob stories o mga kuwentong nagpapantig sa puso ng masa (Halimbawa: Ejay Falcon, Ruben Gonzaga. Maaring basahin ang tungkol dito sa blog na ito.). Ipinahihiwatig lamang na mahabagin ang mga Pinoy. Mas iniisip natin kung sino ang higit na makikinabang sa premyo. Isa na rin yata ito sa mga pangunahing salik sa ating pagpapasya. Higit nating binibigyang halaga ang hinaharap. Nakikita nga ito sa desisyon ng masa na ibigay ang premyo sa mas higit na nangangailangan.

  Iba-iba man ang pag-unawa ng mga Pinoy sa palabas na ito, hindi maikakailang pumatok ang Pinoy Big Brother. Inaabangan pa rin ng lahat ang muling pagbubukas ng Bahay ni Kuya. 
    
   

No comments:

Post a Comment